Tuesday, 31 May 2011

Ang Pagluhod ba sa Isang Imahen o Larawan ay ang Marapat na Pagsamba sa Diyos?


Ang Pagsamba sa larawan na isinasagawa ng relihiyong Hinduismo



Pangkaraniwan na nating napupuna ang paggamit ng mga larawan o mga imahen ng mga relihiyong hindi Cristiano sa kanilang mga pagsamba, gaya halimbawa ng Hinduismo at Budismo. At ang isang Cristiano na nakababasa ng Biblia ay batid na ang gawaing pagsamba sa mga rebulto at mga larawan ay isang napakasamang gawain sa harapan ng Diyos dahil maliwanag itong mababasa sa Biblia:

Exodo 20:3-5  “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko.  Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:  Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;”


Subalit ang nakapagtataka, kapag ang nasabing talata ay ating binasa sa isang Katoliko at aming sinabi sa kanila na sila man ay nagsasagawa ng ganitong gawain, ang agad nilang sinasabi ay ganito:
 

“Hindi naman namin sinasamba ang mga imahen o rebulto na nasa aming mga simbahan, ang mga iyon ay amin lamang iginagalang. Ang turo sa amin ng mga Pari ay ang Diyos ang aming dapat na sambahin.  May mga larawan kami sa aming mga simbahan ng mga Santo at Apostoles hindi upang  sambahin kundi sila ay amin lamang ginugunita sa pamamagitan ng mga larawang iyon.”


Ang mga larawan at mga imahen, na niluluhuran at pinaglilingkuran sa Iglesia Katolika

At dahil ganito ang kanilang nasa isipan, kung kaya madalas ay nagdaramdam sila at nagagalit  sila sa mga ministro at  maging sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo kapag sila ay napupuna.  May nagsasabing bakit daw hindi na lang ang ituro ng mga ministro namin ay ang aming sariling aral, matuto raw kaming gumalang sa pinaniniwalaan ng iba.

Subalit ang sinusunod namin ay ang sinasabi ng Biblia.  Dapat bang isawalang-kibo ng isang tao kung may nakikita siyang maling ginagawa ng kaniyang kapuwa na ikapapahamak niya? Wala ba siyang gagawin kung alam niya naman ang tama at hindi niya ipagmamalasakit ang kaniyang kapuwa? Ganito ang sabi ng Biblia:

Judas 1:23  “At ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman.”

Ang isang tao na nasa katotohanan ay may pananagutan na dapat gawin, kailangan niyang iligtas ang kaniyang kapuwa at agawin sa apoy, ang apoy na tinutukoy ay ang kaparusahang walang hanggan na ito ay ang dagatdagatang apoy na siyang ikalawang kamatayan:

Apocalypsis 20:14  “At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.”

Dahil ang gawang pagluhod at pagsamba sa isang larawan ay isang gawaing magdadala sa tao sa kapahamakang walang hanggan:

Apocalypsis 21:8  “Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.”

Ang tinatawag na “diosdiosan” ay yung mga larawan na sinasamba na tulad sa Diyos, kaya tinawag na “diosdiosan” ay sapagkat hindi ito tunay na Diyos. Tulad ng salitang “kotse-kotsehan” hindi tunay na kotse, “bahay-bahayan” hindi tunay na bahay.  Maliwanag na sinabi sa atin ng Biblia na ang mga gumagawa ng pagsamba, pagluhod, at paglilingkod sa mga larawan, imahen, o mga rebulto ay isang gawaing kasuklamsuklam sa paningin ng Diyos at ito ay kanilang ikapapahamak sa dagatdagatang apoy na kilala sa tawag na impierno.

Subalit, sinasabi nga ng mga Katoliko na hindi sila sumasamba sa larawan, ang kanilang ginagagawa bagamat nakaharap sa isang rebulto o imahen ay patungkol daw sa Diyos.  Kaya hindi daw maaari na mapahamak sila, dahil ang paparusahan daw sa Biblia ay iyong mga sumasamba sa mga larawan, at hindi naman daw ganun ang kanilang ginagawa kaya huwag daw silang paratangan ng hindi nila gawain.

Totoo nga kaya ang kanilang pangangatwirang ito? Hindi nga kaya talaga sila sumasamba sa mga larawan o imahen, at mga rebulto?  Atin tunghayan ang pag-amin ng kanilang mga Pari.


Ang Pag-amin ng Simbahang Katoliko

Ang mga awtoridad Katoliko, mga Pari, ay karaniwan ng gumagawa at naglalathala ng mga Aklat na siyang ginagamit nila sa kanilang pagtuturo.  Marahil ay ikagugulat ng isang Katoliko na nagsasabi na siya’y hindi sumasamba sa larawan kung kaniyang makikita at mababasa na ang kanilang mga aklat mismo na sinulat ng kanilang mga Pari ay umaaamin na sila nga ay sumasamba sa larawan.

Narito ang katibayan, sa isang aklat Katoliko na may pamagat na “Siya ang Inyong Pakinggan:  Ang Aral na Katoliko, na sinulat ng isang pari na si Enrique Demond, ay ganito ang ating mababasa:

“Kung ating sinasamba ang larawan ni Kristong napapako sa Krus, dinadasal natin: ‘Sinasamba kita at pinupuri, Panginoon kong JesuCristo,…”    [Siya ang Inyong Pakinggan: Ang Aral na Katoliko, sinulat ni Padre Enrique Demond, inilathala ng Catholic Trade School, may imprimatur ni Jose Bustamante, pahina 12 ]

Kitang-kita sa aklat na ito ang pag-amin ng Pari na ang mga Katoliko’y sumasamba sa larawan, sa pagsasabing sinasamba nila ang larawan ni Cristo.  Pero kahit na sabihin pa nila na ang sinasamba nila ay ang larawan ni Cristo, ay wala naman po tayong mababasa kailan man sa mga pahina ng Biblia na ipinag-utos na sambahin ang larawan ni Cristo, kaya maliwanag kung gayon na talagang sumasamba sila sa larawan.

Hindi lamang iyon, narito pa ang isa, Isang munting aklat Katoliko na may pamagat na “Catesismo”  na tinagalog ng Pari na si Luis de Amezquita , ganito naman ang ating mababasa:

“ Pagbangon mo sa banig ay agad kang manikluhod sa harap ng isang Krus o isang mahal na larawan. Kung maninikluhod ka sa tapat ng Altar magwika ka ng ganito:  Sinasamba kita,”  [Catesismo, ni Padre Luis de Amezquita, pahina 79 at 82].

Dito naman sa aklat na ito ay maliwanag na inuutusan ang isang Katoliko na agad na manikluhod o lumuhod pagkagising sa harap ng isang Krus o isang mahal na larawan, at pagkatapos ay sasabihin sa harapan nito ang mga katagang: “Sinasamba Kita”.  Hindi ba iyan maliwanag na pag-uutos sa isang Katoliko na lumuhod at sumamba sa isang Larawan?
Kaya nga sabihin man nila na hindi sila sumasamba kung ang nakikita naman natin ay ang kanilang ginagawa: sila ay lulumuluhod at nananalangin sa harapan ng mga larawan ng mga tinatawag nilang mga Santo, hindi ba iyon ang nagpapatunay na sila ay sumasamba dito?  Dahil sa Biblia ang katumbas ng gawang pagyukod o pagluhod ay pagsamba, basahin natin:

Awit 95:6  “Oh magsiparito kayo, tayo'y magsisamba at magsiyukod; tayo'y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin.”

At maliwanag namang sinabi ng Diyos na ang pagyukod o pagluhod sa mga ito ang kaniyang ipinagbabawal hindi po ba? Balikan po natin ang sinasabi ng Diyos sa aklat ng Exodo:

Exodo 20:3-5  “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko.  Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:  Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;”

Kaya ang mismong pagluhod na ginagawa ng mga tao sa mga larawang ito, ay ang mismong ipinagbabawal ng Panginoong Diyos.  Aminin man nila o hindi, ang ginagawa nilang ito ay maliwanag na pagsamba at pagluhod sa mga larawan na kasuklam-suklam sa Panginoong Diyos. Binanggit din ng Diyos na hindi natin dapat paglingkuran ang mga larawang ito.  Hindi ba’t nakikita nating kanilang pinapasan, binibihisan, sinasabitan ng mga bulaklak, ipinagpuprusisyon, pinapahiran ng panyo, ipinagpipiyesta at kung anu-ano pa na ito’y maliwanag na pagsisilbi o paglilingkod sa larawan na hindi rin po dapat na gawin.

Kumuha pa tayo ng dagdag na katibiyan ng kanilang pag-amin sa gawaing ito, sa isa pang aklat Katoliko:

“13. Ang pagsamba ba sa mga santo ay ukol lamang sa kanilang katauhan?
             
Hindi, sumasaklaw din ito sa kanilang mga relikya at mga larawan.”

“14. Ano ang tinatawag nating mga relikya?

       Tinatawag nating mga Relikya:
1.            Ang mga labi ng katawan ng isang santo na pinapaging-binal o inihanda sa pagiging banal ng Iglesia [Katolika];”

2.                Ang mga bagay na naging pag-aari ng mga santo, o yaong napadaiti sa kanilang mga katawan: tulad ng kanilang kasuotan, mga ataol, at iba pa

“15. Dapat ba nating sambahin ang mga banal na larawan?
        
            Dapat tayong magkaroon lalo na sa ating mga simbahan, ang mga larawan ng ating Panginoong, tulad ng sa pinagpalang Birhen at mga santo, at dapat natin silang bigyan ng kaukulang paggalang at pagsamba”.  [Salin sa Filipino mula sa Cathecism of Christian Doctrine, inilathala ng De La Salle College, pahina 95]

Maliwanag na ipinakita sa atin ng aklat Katolikong ito na ang sinasamba nila sa isang kinikilala nilang santo ay ang kaniyang katauhan, larawan, at relikya. Hindi po ba ang mga santo ay mga tao lamang? Sinasabi po ng aklat na ito na ang mga larawan ng mga santo ay dapat nating sambahin. Dapat po ba tayong lumuhod sa harapan ng mga tinatawag na santo o iyong mga taong banal?

Si Apostol Pedro ay kinikilalang santo sa Iglesia Katolika na tinatawag nilang San Pedro  na nakikita rin natin na kanilang niluluhuran.  Pumapayag ba si Apostol Pedro na siya ay luhuran?  Basahin natin?

Mga Gawa 10:25-26  “At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at nagpatirapa sa kaniyang paanan, at siya'y sinamba. Datapuwa't itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin.”

Kita ninyo nang magpatirapa o lumuhod si Cornelio sa harap ni Apostol Pedro ay hindi siya pumayag sa ginawa niyang ito?  Kung mismo noon ay hindi pumapayag ang mga Apostol na sila yukuran at sambahin, sa palagay po ba natin ay papayag sila na sambahin at luhuran ang kanilang mga larawan?

Sana po imbes na ipagdamdam ninyo ang aming paglalahad na ito ay inyong ituring na isang pagmamalasakit sa inyo, dahil hindi po talaga pumapayag ang Panginoong Diyos sa ganitong gawain. Kami po ay nagsasabi ng katotohanang ito batay sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia na sana po’y siyang ating tanggapin, paniwalaan, at higit po sa lahat ay ating sundin.


Hindi Maigagawa ng Larawan ang Diyos

Marami ang nag-aakala na ang Diyos ay may larawan, na ito nga ay ang nakikita nating isang anyo ng isang magandang lalake na may mahabang buhok at may balbas.  Subalit sa katotohanan, ang Diyos po ba ay may anyo?  Atin pong basahin ang paghahayag ng Diyos mismo:

Deuteronomio 4:15  “Ingatan nga ninyong mabuti ang inyong sarili; sapagka't wala kayong nakitang anomang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy:”

Maliwanag ang pahayag ng Diyos na siya ay walang anomang anyo. Bakit? Ano ba ang kalagayan ng Diyos?

Juan 4:24  “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”

Maliwanag ang sagot ng Panginoong Jesus, ang Diyos ay Espiritu, ano ba ang isang espiritu?

Lucas 24:39  “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”

Ang isang Espiritu ay walang laman at mga buto, samakatuwid ang Diyos ay walang laman at mga buto kaya wala siyang anomang anyo. Eh maigagawa ba siya ng larawan?

Isaias 46:5  “Kanino ninyo ako itutulad, at ipaparis, at iwawangis ako, upang kami ay magkagaya?”

Maliwanag ang pahayag ng Diyos, wala siyang kagaya, kawangis o kamukha, kaya imposible na maigawa ng tao ang Diyos ng larawan, dahil hindi nakikita ang Panginoong Diyos:

1 Timote 1:17  “Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa.”

Kaya po kung may magsasabi sa atin na ang isang larawan ay iyon ay mukha ng Diyos, tiyak na tiyak na natin na hindi totoo ang kaniyang sinasabi, dahil hindi kailanman maaaring maigawa ng larawan ang Diyos. At kailanman ay hindi niya ibibigay ang kaniyang kaluwalhatian at kapurihan sa mga larawang inanyuan lamang ng tao:

Isaias 42:8  “Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.”


Ang Marapat na Pagsamba

Paano ba natin magagawa ang marapat na pagsamba sa Diyos? Atin na pong nalaman na hindi sa pamamagitan ng paggamit ng mga larawan. Atin pong tunghayan ang pahayag ng Panginoong Jesus:

Juan 4:23  “Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.” 

Sabi ng Panginoong Jesus ang mga tunay na mananamba sa Diyos ay sinasamba siya sa Espiritu at Katotohanan,  ito ang marapat na paraan na pagsamba sa Diyos na dapat nating gawin dahil ito ang hinahanp ng Diyos na maging mananamba sa kaniya.

Paano ang pagsamba sa Ama sa espiritu?

Mateo 6:9  “Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.”

Ang pagsamba sa Ama sa Espiritu ay ang pagsamba sa kaniyang pangalan at hindi sa kaniyang larawan?  Maliwanag po iyan.  Paano ba ang pagsamba sa pangalan ng Diyos, isusulat ba natin ang kaniyang pangalan sa isang papel pagkatapos ay ididikit sa pader at ating luluhuran? Ganun po ba?  Hindi po ganun, narito po ang sagot:

Hebreo 13:15 Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan.”

Kapag ating pinupuri at binibigkas o sinasabi ang pangalang ipinantatawag natin sa kaniya, ito ang pagsamba sa kaniya sa espiritu.  Ano ang pangalang iyon?

Juan 20:17  “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.”

“Ama” ang ating dapat itawag sa nagiisa at tunay na Diyos, na Diyos din ng Panginoong Jesus.

Paano naman ang pagsamba sa Ama sa katotohanan?

Mateo 6:10  “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.”

Ang pagsamba sa kaniya sa katotohanan ay ang pagsunod na dapat nating gawin sa kaniyang mga kalooban o mga kautusan, dahil ito ang buong katungkulan ng tao.

Ecclesiastes 12:13  “Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao.”

Ito ang marapat na pagsamba sa Diyos na dapat nating isagawa, upang tayo ay maging kalugodlugod sa kaniyang paningin…

Ang Tunay na Aral Tungkol sa Kaluluwa


Totoo Bang Pag Namatay ang isang Tao, Umaakyat kaagad-agad ang Kaluluwa sa Langit o di Kaya’y Nagpupunta sa Impiyerno?


Malaganap na paniniwala ng mga pangkaraniwang Cristiano sa kasalukuyang panahon tungkol sa kaluluwa ang mga sumusunod:

  1. Ang tao ay binubuo ng kaluluwa at katawan lamang, at ang kaluluwa ay walang kamatayan.

  1. Ang Espiritu ay siya ring kaluluwa ng isang tao.

  1. Kapag namatay ang isang tao ay humihiwalay ang kaluluwa o espiritu ayon sa kanila at pumupunta kaagad sa Langit, o di kaya’y sa Purgatorio o sa Impierno.

  1. Maaaring maglakbay ang kaluluwa ng hiwalay sa katawan at maaari pa nitong madalaw at makausap ang mga buhay na kaanak.

Totoo kaya ang mga paniniwalang ito? Sinasang-ayunan ba ito ng Biblia? Atin pong tunghayan ang patotoo ng mga salita ng Diyos sa Mga Banal na Kasulatan tungkol sa Isyung ito…


I.            Ilan ba ang sangkap ng tao ayon sa Biblia?

Tatlo ayon sa Biblia – Espiritu, Kaluluwa, at Katawan

“At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo.” (I Tesalonica 5:23)

Maliwanag ang pahayag ng Biblia, na tatlo ang sangkap ng isang tao, hindi totoo na kaluluwa at katawan lamang gaya ng paniniwala ng iba. Eh paano naman yung paniniwala ng iba na ang kaluluwa daw at espiritu ay iisa lamang? Tunghayan natin ang sagot:

“Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.”  (Hebreo 4:12)

Kitang-kita ang ebidensiya mula sa Biblia, na ang kaluluwa at espiritu ay tunay na magkaiba, dahil dumarating sa panahong naghihiwalay ang dalawang ito, at ito’y sa panahon ng pagpanaw ng isang tao.  Maliwanag kung gayon na hindi totoo ang malaganap na paniniwala na ang kaluluwa ay siya ring espiritu.


II.          Ano ang nangyayari sa tatlong sangkap pag ang tao’y namatay na?

Ano nga ba ang nangyayari sa tatlong sangkap ng tao, kapag siya ay pumanaw, isa-isahin natin, unahin natin ang katawan:

“At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una,…” ( Ecclesiastes 12:7)

“Oo, dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw; kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan…Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok: ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.”  (Awit 44:22,25)

Ang katawan ng tao ay nilikha ng Diyos mula sa alabok, at dahil sa ito ay yari sa alabok, ay sa alabok din nauuwi kapag siya ay pumanaw.  Gaya nga ng sabi ng isang sikat na awit: “Magmula sa lupa magbabalik na kusa…dahil tayo ay lupa lamang.”

Eh ano naman ang mangyayari sa kaluluwa? Totoo kaya ang paniniwala ng marami na wala itong kamatayan at humihiwalay ito sa katawan ng tao kapag siya’y namatay?  Narito ang sagot:

“Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4)

Ang kaluluwa ko'y dumidikit sa alabok: buhayin mo ako ayon sa iyong salita.” (Awit 119:25)

Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok: ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.”  (Awit 44:25)

Hindi po totoo ang malaganap na paniniwala na ang kaluluwa ng isang tao ay walang kamatayan, ang kaluluwa na nagkakasala ayon sa Biblia ay mamamatay, eh wala naman pong tao sa mundo na hindi nagkasala (Roma 3:23), maliban sa Panginoong Jesus (1 Pedro 2:21-22). Kaya lahat ng pangkarinwang tao na nagkasala ang kaniyang kaluluwa ay mamamatay, kapag siya ay namatay na, ipinakita rin sa atin ng Biblia na hindi totoo ang paniniwalang humihiwalay ang kaluluwa sa katawan, ang sabi nga nakasubsob o nakadikit sa alabok na ang tinutukoy ay ang katawan.

Eh ano naman ang nangyayari sa ikatlong sangkap – ang Espiritu?

“At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang diwa ay mababalik sa Dios na nagbigay sa kaniya.” (Ecclesiastes 12:7)

Ano ba iyong diwa na tinutukoy sa itaas, basahin natin sa Ingles na Biblia sa parehong verse:

“Then shall the dust return to the earth as it was: and the spirit shall return unto God who gave it.” (Ecclesiastes 12:7,  King James Version)

Samakatuwid ang ating diwa ay iyon din ang ating Espiritu. Na binabawi ng Diyos sa tao kapag siya ay pumanaw na.

Kaya hindi totoo ang paniniwala na ang kaluluwa ay hindi namamatay at umaakyat kaagad sa langit, nagpupunta sa purgatorio, o di kaya’y sa impiyerno ang isang tao pag siya’y namatay na. Sinasalungat ito ng mga katotohanang nakasulat sa Biblia. Ang katotohanang nasa Biblia ay, ang kaluluwa ay namamatay at nadidikit sa alabok o katawan, sa madaling salita ang katawan ng tao ay nabubulok at bumabalik sa kaniyang pagkalupa.  Hindi rin totoo na humihiwalay ang kaluluwa sa katawan, kundi kasama ng katawan sa pagkabulok, tanging ang diwa o espiritu lamang ang umaakyat sa langit dahil kinukuha ng Diyos.


III.        Bakit namamatay ang kaluluwa?

Bakit nga ba namamatay ang kaluluwa? Narito ang sagot:

“At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.” (Genesis 2:7)

Namamatay ang kaluluwa sapagkat sa tatlong sangkap ng tao ang kaluluwa ang may taglay na buhay, kaya natural pag namatay ang tao, mamamatay ang kaniyang kaluluwa, dahil ito lamang ang may buhay sa tatlong sangkap.


IV.         Ano ang mangyayari sa tao kapag ang kaniyang diwa o espiritu ay magbalik na sa Diyos?

Kapag binawi na nang Diyos ang diwa o espiritu ano ang mangyayari sa tao? Tunghayan ang sagot:

 Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.” (Awit 146:4)

Ang isang taong namatay ay nawawalan ng pag-iisip, dahil ang diwa o espiritu ay siya nating pag-iisip, pandama, ito ang dahilan kaya tayo nasasaktan, nalulumbay, natutuwa, umiibig at namumuhi. Lahat ng ito ay mawawala sa isang tao kapag siya’y patay na dahil, binabawi ito ng Diyos na nagbigay sa kaniya. At dahil sa wala nang pagiisip ang isang patay, maaari pa ba niyang malaman ang mga bagay na nangyayari sa paligid o sa daigdig ng mga taong nabubuhay pa? Basahin nating muli ang paliwanag ng Biblia:

“Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan.”

Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.”
(Ecclesiastes 9:5-6)

Kaya ang kaugalian ng iba na kinakausap ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay o simonan sa mga taong patay na ay hindi marapat gawin, sapagkat hindi na sila maririnig ni malalaman pa ng taong patay ang kanilang ginagawa. Iyon ngang taong alam nating may sira sa pagiisip ay hindi natin pinagaaksayahang kausapin eh, dahil alam  nating hindi tayo mauuanawaan, di lalo na yung walang pag-iisip, kaya isang kamalian na kausapin pa ang isang taong patay na gaya nga ng nakikita nating ginagawa nung iba, na kinakausap yung puntod ng kanilang mga yumao. Isa itong napakalaking pagkakamali. Bukod doon karumaldumal sa harap ng Diyos ang pakikipag-ugnayan o pagsangguni sa mga patay.

“Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway, o enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay. Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo.”  (Deuteronomio 18:10-12)

Kaya iwasan po natin ang pagsangguni doon sa mga tinatawag na medium  na nagsasagawa nung tinatawag na séance – “pakikipagusap sa patay”, dahil natiyak po natin mula sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia na hindi na maaari pang makausap ang mga yumao nating mahal sa buhay.  Kung mayroon man po silang nakakausap, ay natitiyak nating hindi iyon ang mga yumao nating kaanak – dahil wala naman pong hindi kayang gawin ang Diablo mailigaw o madaya lamang niya ang mga tao:

 “At siya'y gumagawa ng mga dakilang tanda, na ano pa't nakapagpapababa ng kahit apoy mula sa langit hanggang sa lupa sa paningin ng mga tao.  At nadadaya niya ang mga nananahan sa lupa dahil sa mga tanda na sa kaniya'y ipinagkaloob na magawa sa paningin ng hayop;... (Apocalypsis 13:13-14)

Ang Diablo din ang dahilan kung bakit may mga nagmumulto at pinapaniwala tayo na totoong iyon ang mga yumao nating mga mahal sa buhay upang tayo ay dayain at para kaniyang sirain at kontrahin ang mga katotohanang ito na nakasulat sa Biblia, at tayo’y mailigaw.



V.           Ano ang pakiramdam ng isang taong patay?

Ano nga ba ang pakiramdam ng isang taong patay?  Kailangan pa bang tayo’y mamatay para maranasan ang nararanasan ng isang taong namatay na? Narito ang sagot:

“Ang mga bagay na ito'y sinalita niya: at pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni't ako'y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog. Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling. Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa't sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog.” (Juan 11:11-13)

Tulad ng isang natutulog ang pakiramdam ng isang tao pag namatay na, Hindi ba’t pag ang isang tao ay natutulog siya’y walang naririnig ni walang nalalaman sa nangyayari sa paligid niya? At hindi natin ginagawang makipagusap sa taong alam nating natutulog, kaya hindi rin marapat na kausapin ang isang patay. Ang pakiramdam ng taong patay ay pakiramdam ng isang tao na may di pangkaraniwang pagtulog ayon sa Biblia. Kaya hindi na kailangan pang mamatay para maranasan ang pakiramdam ng isang taong patay na, dahil maihahalintulad ito sa isang napakahimbing na pagkakatulog na kung minsan ay ating nararanasan kahit tayo ay buhay pa.


VI.         Paano ang paniniwala ng mga Katoliko na kapag ang isang tao ay banal o isang Santo, siya ay nasa langit na?

Sa paniniwala ng mga Katoliko ang mga Santo o mga taong banal lamang ang kaagad na pupunta sa langit, totoo kaya ang paniniwalang ito? Ating tunghayan ang patotoo ng Biblia:

“Mga kapatid, malayang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa patriarkang si David, na siya'y namatay at inilibing, at nasa atin ang kaniyang libingan hanggang sa araw na ito… Sapagka't hindi umakyat si David sa mga langit; datapuwa't siya rin ang nagsabi, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa kanan ko,” (Gawa 2:29,34)

Maliwanag na ipinakita sa atin ng Biblia na si Haring David ay hindi umakyat sa langit. Bakit?  Eh ano bang  uring tao si David? Ganito ang pagpapakilala niya:

“Ingatan mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y banal: Oh ikaw na Dios ko, iligtas mo ang iyong lingkod na tumitiwala sa iyo.” (Awit 86:2)

Sabi ni David siya’y banal sa madaling salita isa siyang Santo - kung pagbabatayan ang paniniwalang Katoliko, subalit maliwanag na sinabi sa atin ng Biblia na hindi umakyat si David sa langit. Kaya hindi totoo na komo’t banal o isang Santo ay aakyat sa langit. Subalit hindi naman natin maikakaiala na mayroon nang mga tao sa langit ngayon sa kasalukuyan, pero hindi kasali dun si David.  Sino ang mga taong iyon? Ituloy natin…



VII.       Ilan at sino lamang ba ang taong kasalukuyang nasa langit ngayon?

Narito at ating malalaman ngayon ang mga taong nasa langit hanggang sa kasalukuyan: Sila ay sina ENOC, Propeta ELIAS, at ang ating Panginoong JESUCRISTO:

Umakyat si Enoc sa Langit sa pamamagitan ng pagkuha sa kaniya ng Diyos:

 “At lumakad si Enoc na kasama ng Dios: at di siya nasumpungan, sapagka't kinuha ng Dios.” (Genesis 5:24)

“Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang huwag niyang makita ang kamatayan; at hindi siya nasumpungan, sapagka't siya'y inilipat ng Dios: sapagka't bago siya inilipat ay pinatotohanan sa kaniyang siya'y naging kalugodlugod sa Dios:” (Hebreo 11:5)

Si Propeta Elias naman ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng isang karong apoy na itinaas sa langit sa pamamagitan ng isang ipo-ipo:

 “At nangyari, samantalang sila'y nagpapatuloy, at nagsasalitaan, na narito, napakita ang isang karong apoy, at mga kabayong apoy, na naghiwalay sa kanila kapuwa; at si Elias ay sumampa sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo.” (II Hari 2:11)

At ang ating Panginoong Jesucristo, na iniakyat sa mga alapaap:

 “Datapuwa't tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo ng Espiritu Santo: at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa. At pagkasabi niya ng mga bagay na ito, nang siya'y tinitingnan nila, ay dinala siya sa itaas; at siya'y tinanggap ng isang alapaap at ikinubli sa kanilang mga paningin.” (Gawa 1:8-9)

Ang mga taong nabanggit ay umakyat sa langit ng buong-buo – taglay nila ang kanilang kaluluwa, espiritu at katawan. Sila lamang tatlo ang kasalukuyang nasa langit ngayon. Walang sinasabi ang Biblia tungkol sa mga aral ng ibang relihiyon na mga taong umakyat din sa langit gaya ni Birheng Maria na pinaniniwalaan ng mga Katolikong nasa langit din ngayon. Walang purgatorio, at wala ring binabanggit na may pinarurusahan na sa Impierno.


VIII.    Kung wala ngayon ang mga taong patay sa langit o impiyerno nasaan sila, at kailan sila pupunta sa langit o di kaya’y hahatulan sa impiyerno?

Maliwanag na nating nakita sa Biblia kanina pa na ang kaluluwa ng tao ay hindi humihiwalay sa kaniyang katawan, samakatuwid kung saan nalibing ang katawan ng isang tao nandoroon din ang kaniyang kaluluwa.  Eh kailan naman muling babangon ang mga taong namatay na? Narito ang sagot:

 “Nguni't ang tao ay namamatay at natutunaw; Oo, ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan nandoon siya?  Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat, at ang ilog ay humuhupa at natutuyo;  Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon: hanggang sa ang langit ay mawala, sila'y hindi magsisibangon, ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog.”
 (Job 14:10-12)

Ang tao ay mananatili sa kaniyang libingan hanggang sa panahon na ang langit ay mawala, at ang pagkawala ng langit ay magaganap sa araw ng paghuhukom na siya ring muling pagparito ng Panginoong Jesus:

 “Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog. Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.”  (II Pedro 3:10-7)

Ang pagparito ni Cristo na siya ring panahon ng pagkabuhay na maguli ng mga namatay:

“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Dios; at ang mangakarinig ay mangabubuhay.” (Juan 5:25)

“At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa. At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades [Libingan] ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa. At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.  At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.”  (Apocalypsis 20:12-15)

At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom” (Hebreo 9:27)

Ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal, sa tukso at maglaan ng mga di matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom;”  (II Pedro 2:9)

Sa Araw pa lamang ng Paghuhukom o sa muling pagparito ni Cristo malalaman ng tao kung saan siya mapupunta, kung sa langit ba o sa Impierno, dahil sa panahong iyon, noon pa lamang igagawad ang gantimpala at ang pagpaparusa sa lahat ng mga tao:


 “At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila'y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing; At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa't sa kaliwa ang mga kambing.  Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan:…Kung magkagayo'y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel:”  (Mateo 25: 32-34, 41)

Ito ang mga katotohanang itinituro ng Biblia na dapat po nating sampalatayanan, tanggapin, at paniwalaan…



ATTENTION TO THOSE WHO LEAVE COMMENTS IN THIS BLOG:

I think it’s about time to avoid confusion to anyone, that I will no longer allow anybody commenting in this blog posting as ANONYMOUS, regardless of his Religion and Affiliations. Any comments under the name of ANONYMOUS will be DELETED.

Any comments attacking a PERSON [Ad Hominem], instead of defending his Faith with honor and respect will be DELETED. Never accuse a person or an organization that we have no proper proofs or evidences to support our accusations. Hearsays and fabricated stories with a motive of hurting and dishonoring somebody [either an individual or an organization] will no longer be allowed and be tolerated in this Blog.

If anyone feels that what I have imposed is not fair? There is nobody stopping you in making your own Blog and rules that you so desire. I have all the rights to impose any rules for the sake of orderliness of this Blog as it is written in the Scriptures: “Everything must be done in a proper and orderly way.” [1 Cor 14:40, GNB].

My BLOG, My RULES…

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

NET 25 - Iglesia Ni Cristo Network