Saturday, 5 September 2015

Bakit nang Makita mo si Judas ay natisod ka kay Jesus?

Isang paala-ala mula kay Kapatid na JOSE VENTILACION,
Naapektuhan ba ang inyong pananampalataya o pagka-Iglesia Ni Cristo dahil sa ginawang pagtalikod ng ilang mga ministro at manggagawa?
May mga nabalitaan tayong ilang mga kapatid na naapektuhan ang kanilang pananampalataya dahil sa ginawang pagtalikod ng ilang mga ministro at manggagawa na ginamit pa ang social media upang ipakita sa madla ang kanilang pagbibitiw sa tungkulin.
Ano ang ibinunga sa ilang mga Iglesia Ni Cristo dahil sa kanilang nakitang pagtalikod ng ilang mga ministro?
Ang iba ay nanghina sa pananampalataya, ang ilan ay tumigil na sa pagsamba o kung sumasamba pa ay hindi na nag-aabuloy o naghahandog, ang iba naman ay ayaw ng tumulong sa gawaing pagpapalaganap o pagmimisyon, ang iba ay natisod at nag-alinlangan sa Pamamahala, at ang lalo pang masama, ang ilan ay humiwalay na sa Iglesia.
Hindi na tayo nagtataka na may mga tumatalikod sa Iglesia na ang idinadahilan ay dahil sa may nakita silang mga ministro o mga maytungkulin na hindi nabubuhay ng ayon sa aral na ating tinanggap. Kung tatanungin mo kung bakit hindi na sila sumasamba, kung bakit sila umurong sa tungkulin o bakit sila humiwalay, ang ikinakatuwiran ay NATISOD daw sila sa ilang mga maytungkulin o sa ilang mga kapatid na nakita nilang gumagawa ng masama lalo na at ang nakita nila ay mga ministro pa. Ang ikinatitisod ngayon ng ilan ay dahil sa mga kilala pang mga ministro ang tumalikod at ang iba ay naglingkod pa sa Tanggapan ng Iglesia.
May mga nagtatanong sa akin kung bakit daw ito nangyayari ngayon sa Iglesia. Paano raw ito dapat tingnan o unawain ng mga kapatid? Ano raw ang ipapayo nila sa mga kapatid na natitisod dahil sa pagtalikod ng ilang mga ministro?
Noong nabubuhay pa ang Sugo ng Diyos, ang Kapatid na FELIX Y. MANALO, ay mga kapatid na humiling sa kaniya na dalawin ang kanilang lokal dahil sa may mga kapatid na natitisod sa mga maytungkuling gumagawa ng masama. Ang tanong sa kanila ng Sugo ay: “BAKIT NANG MAKITA MO SI JUDAS AY NATISOD KA KAY CRISTO?”
Si Judas ay ang apostol o ministro na nagkanulo sa ating Panginoong JesuCristo. Gaya ng itinuro sa atin sa pagsamba nitong nakaraang linggo, si Judas ay magnanakaw, nagkuwaring nagmamalasakit sa mga mahihirap ngunit nagnanakaw sa supot ng abuloy (Juan 12:4-6). Sa madaling salita, si Judas ay isang masamang ministro.
Kung paanong may Judas sa panahon ni Cristo ay may Judas din sa panahon natin. Ito ay ang mga ministro at mga manggagawa na tumalikod at nagtaksil sa kanilang sinumpaang tungkulin na mamahalin at ipagmalasakit ang Iglesia. Sila ang mga lumaban at nagsalita ng kasinungalingan laban sa Pamamahala.
Sino naman ang mga kapatid na nang makita nila si Judas ay natisod sila kay Cristo? Sila ang mga:
(1) hindi na sumamba,
(2) umurong sa tungkulin
(3) naghimagsik sa Pamamahala dahil sa hindi matanggap ang naging pasiya na itiniwalag ang mga lumaban o naghimagsik
(4) kung dumadalo man sa pagsamba ay hindi na nakikinig sa pagtuturo ng nangangasiwa ng pagsamba at hindi na nag-abuloy
(5) nag-aalinlangan sa kanilang pagka-Iglesia Ni Cristo.

MGA TANONG SA MGA NATISOD
Bakit mo tinalikuran si Cristo gayong wala naman siyang kasalanang nagawa sa iyo? Si Judas ba ang dahilan kaya ka nag-Iglesia Ni Cristo? Sino ba ang nag-utos na umanib ka sa Iglesia Ni Cristo? Di ba si Cristo ang nag-utos nito? Kung gayon, bakit siya ang kinatisuran mo? Bakit mo tatalikuran si Cristo kung may nakasama man siyang Judas? Bakit lumalabas na si Judas ang kinakampihan mo at hindi si Cristo?
Ikalawa, idinamay mo pa ang Diyos sa iyong pagkatisod kay Cristo dahil may nakita kang Judas sa Iglesia. Sino ba ang may utos na sumamba ka sa Diyos? Di ba si Cristo din ang nagsabi sa Juan 4:23 na “hinahanap ng Diyos ang mga tunay na mananamba sa Kaniya”? Bakit Siya ang sinuway mo sa hindi mo pagdalo sa pagsamba dahil lang sa may nakita kang Judas?
Sino ba ang nag-utos sa iyo na mag-abuloy? Di ba utos din ng Diyos ang pag-aabuloy ayon sa 2 Corinto 9:7-8? Bakit nang makita mo si Judas ay ayaw mo nang handugan ang Diyos ng mga bagay na sa Kaniya ay nakalulugod? May utos ba ang Diyos sa Biblia na huwag ka nang mag-abuloy kapag may nakita kang Judas sa Iglesia? Bakit ang Diyos ang tinalikuran mo nang may nakita kang tumalikod na ministro o manggagawa? Bakit nang may makita kang Judas ay nagtampo ka sa Diyos na nagbigay sa iyo ng buhay at tumawag sa iyo sa tunay na Iglesia?
Sino ba ang nag-utos na kilalanin, sundin at igalang mo ang Pamamahala? Di ba ang Diyos din ang nag-utos nito ayon sa Hebreo 13:7, 17? Bakit sinuway mo ang Diyos dahil sa may nakita kang Judas?
Dahil ba sa may Judas sa Iglesia ay hindi na ito tunay? Hindi na ba tunay na sugo ng Diyos si Cristo dahil sa may mga tumalikod sa Kaniya noong narito pa Siya sa lupa (Juan 6:61-62, 66)? Walang duda na Sugo ng Diyos si Cristo at ang Iglesia Niya ay tunay na Iglesia kahit na nagkaroon pa ng Judas sa loob nito.
Dahil ba sa may Judas din sa Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw ay hindi na ito tunay? Hindi na ba tunay na sugo ng Diyos si Kapatid na Felix Y. Manalo dahil sa may tumalikod sa Iglesia noong siya ay nabubuhay pa? Walang duda na Sugo ng Diyos si Kapatid na Felix Manalo at ang Iglesiang ipinangaral niya ay tunay na Iglesia.
Maaaring ikinakatuwiran mo na kaya ka tumigil sa iyong pagka-Iglesia Ni Cristo dahil sa tumalikod ang mga kilala mong mga ministro. Kahit na sila pa ang nagdoktrina sa iyo o nangasiwa ng iyong panunumpa nang tumanggap ka ng tungkulin ay hindi ito batayan para itakuwil mo ang iyong pagka-Iglesia Ni Cristo. Lumilitaw din na ang kanilang masamang halimbawa ang sinundan mo sa halip na ang sundin mo ay si Cristo. Bakit sa kanila ka pa rin kumampi at sumunod kahit alam mong hindi tama ang kanilang ginagawa?
Kung ang mga ministrong ito ay nagpakamatay o tumalon sa bangin, magpapakamatay ka rin ba? Tatalon ka rin ba sa bangin dahil sa nakita mong ginawa nila ito? Kung uminom sila ng lason, iinom ka rin ba? Iinom ka pa rin ba ng lason kahit na alam mong mamamatay ka? Mamamatay ka kung ang susundan mo ay ang mga tumalikod dahil sa walang kaligtasan sa labas ng tunay na Iglesia.
Kaya uulitin ko: tayo ay Iglesia Ni Cristo dahil sa Diyos at kay Cristo. Si Cristo ang sinunod natin at hindi ang sinumang tao. Sa Diyos tayo naglilingkod at hindi sa tao. Kay Cristo tayo tatanggap ng kaligtasan at hindi sa ibang tao. Sa Diyos din tayo tatanggap ng gantimpalang buhay na walang hanggan dahil sa ating pagsunod kay Cristo.
Kaya sa halip na tumalikod o matisod, bakit hindi si Cristo ang iyong sundin? Bakit hindi si Cristo ang iyong tularan at samahan? Si Cristo ay ibinigay ang sarili dahil sa Kaniyang pagmamahal sa Iglesia. Siya ang ating Ulo kaya Siya ang dapat na masunod at gawing halimbawa, hindi si Judas. Kunin mong halimbawa si Apostol Pablo na nakipagbakang mabuti ng kaniyang pananampalataya, tinapos ang kaniyang takbuhin hanggang kamatayan sapagkat alam niya na nakalaan sa kaniya ang putong ng buhay na ibibigay ng Diyos sa mga lingkod Niya na namalagi sa pagsunod hanggang sa wakas.
Kunin mong halimbawa ang Kapatid na Felix Y. Manalo na sa loob ng halos limampung taon ay nagmalasakit sa Iglesia. Tiniis niya ang maraming hirap at sakit alang-alang sa Iglesia. Naglingkod din siya sa Diyos at kay Cristo hanggang kamatayan. Minahal niya ang Iglesiang itiniwala sa kaniya ng Diyos. Tayo na mga kaanib sa Iglesia ang bunga ng kaniyang pagpapagal at nais niyang lahat tayo ay makapanatili sa Iglesia hanggang wakas. Bakit nang makita mo si Judas ay nalimutan mo na ang Iglesiang pinagpagalan ng Sugo?
Kung masama ang magpatisod, masama rin ang matisod. Ang mga natisod sa panahon ni Cristo ay umurong (Juan 6:60-61). Hindi si Judas ang kinatisuran nila kungdi ang aral ni Cristo (talatang 58). Kung sinasabi mo ngayon na natitisod ka dahil sa may nakita kang mga ministrong tumalikod, aral ba ni Cristo na kapag may mga tumatalikod ay hihiwalay ka na? Hindi ba napatutunayan lamang nito na hindi ka sumasampalataya sa aral? Ang aral ni Cristo ay malinaw: “ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas” (Mateo 24:13). Bakit mo binitiwan ang iyong katapatan dahil kay Judas?
Saan hahantong ang iyong pagiging matitisurin? Malamang na sa labas ka ng Iglesia pupulutin. Kaugnay nito, kailangan ko pa bang ulitin sa iyo na walang kaligtasan sa labas ng Iglesia? Ayon kay Apostol Pablo, ang mga hiwalay kay Cristo ay walang pag-asa at walang Diyos (Efeso 2:11-12). Kaya, bago ka tuluyang magdilim at magbitiw sa iyong sinumpaan sa Diyos nang ikaw ay mag-Iglesia Ni Cristo at nang ikaw ay humawak ng tungkulin, ay pag-isipan mong mabuti ang magiging hantungan ng iyong gagawin. Isipin mo ang pinuhunan mong mga pagsasakit at pagtitiis makapanatili ka lamang sa Iglesia. Marahil ay inusig ka noon, maaaring isa ka sa mga nanindigan sa iyong pagka-Iglesia Ni Cristo noong ang inyong pamilya ay inuusig. Maaari ding nagtiis ka ng hirap at sakit alang-alang kay Cristo. Bakit mo kalilimutan ang lahat ng ito dahil lamang sa may nakita kang Judas?
Kung ikaw ay isang magulang, kaya mo bang tiisin na mapapahamak ang iyong mga anak dahil sa iyong gagawing pagtalikod? Maaatim ba ng iyong budhi na ang tisod mo kay Judas ang magiging dahilan kaya sila hihiwalay kay Cristo? Saan kayo pupuntang mag-anak ngayong kayo ay hiwalay kay Cristo?
Sana ay mapag-isipan mong mabuti ang isinulat kong ito sa inyo. Kung maaari ay tanggapin mo na ang pagpapayong ito ay kasangkapan din ng Diyos para ka makabalik at makapanatili sa Iglesia sampu ng inyong sambahayan. Sa halip na kay Judas ay kay Cristo ka makinig. Pakinggan mo Siya dahil sa Siya ang magliligtas sa iyo. Hindi mo man Siya nakikitang personal ay may paraan Siyang itinuro para mo Siya mapakinggan. Ang sabi Niya ay “ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig” (Lukas 10:16).
Ang pakikinig mo sa Pamamahala ay katumbas ng pakikinig mo kay Cristo. Sila ang kakasangkapanin ni Cristo para ituro sa iyo ang mga dapat mong gawin para ka maligtas. Isa sa mga mahahalagang bagay na itinuro sa atin ng Kapatid na EDUARDO V. MANALO ay ang “ipakipaglabang masikap ang panananampalataya” (Tadeo 1:3).
Ang kalaban natin ay diablo at siya ay isang sinungaling at mamamatay-tao (Juan 8:44). Ang pananggalang o sandata mo laban sa diablo ay ang mga salita ng Diyos na iyong naririnig sa panahon ng pagsamba (Efeso 6:10-17).
Kaya, muli kang bumalik sa pagsamba, kasama ng iyong mga anak, at huwag kayong tumigil sa pananalangin para tanggapin ninyo ang lakas na kailangan ninyo sa pakikipagbaka laban sa mga kaaway ng ating pananampalataya (Efeso 6:18).
Isama ninyo sa inyong panalangin ang lahat ng mga kapatid (Efeso 6:18) lalong-lalo na ang PAMAMAHALA upang patuloy na maturuan tayo ng mga aral ng Diyos na kailangan natin sa ating ikasasakdal (Efeso 6:19; Colosas 1:25, 28-29).
Dalangin ko sa Ama na patuloy Niyang kandilihin at ingatan ang iyong sambahayan na lahat ay makapanatili sa Iglesia hanggang sa wakas upang tayong lahat ay maligtas.

Ang nagmamahal mong kapatid kay Cristo,
JOE VENTILACION
= = = = =

11 comments:

  1. Hindi natin masisi dahil sila rin mismo ay naghahanap ng katotohanan.
    at hndi rin natin pwd sbhin na Iisa lng ang Kristo ng biblia. katunayan nga marami ang paparito at sasabhing sila ay c Kristo pra lang iliko ang nsa tamang daan.

    Revelation 18:4

    Then I heard another voice from heaven say: “‘Come out of her, my people,’ so that you will not share in her sins, so that you will not receive any of her plagues

    ReplyDelete
    Replies
    1. Alamo yang pinagsasabi mo ang isang malinaw na ibidinsya na isa kang baliw

      Delete
    2. Totoo iyan dahil iyan ang pangako ni Cristo sa mga alagad niya o sa Iglesia niya batay sa Mateo 16:18 hindi makapananaig sa Iglesia kahit any kapangyarihan ng kamatayan, kasi kahi mamatay ay muling mabubuhay gaya ni Cristo

      Delete
  2. Mga kababayan ko, hindi kaya kasama kayo sa mga sinasabi sa Biblia na mga bulaang Kristo?

    Ang sabi ng iba, sila daw ang dating daan.
    Ang sabi nyo naman kayo ang tamang daan.

    Hindi ba iisa lang ang daan at iyon ay ang Panginoon?
    Bakit ko ba nasabi na isa kayo doon?
    Yung hula para kay Kristo ay inyong inari. Alin yun? Isaiah 41.
    Pati yung uod na Jacob ay inyong inari samantalang iyon ay ang Panginoon. Pwede nyo basahin sa Awit 22. Patungkol ito sa pagpapahirap sa kanya.
    Panoorin nyo ang Passion Of the Christ.
    Hindi ko sinasabi na iyon si Jesus ngunit halos ganoon ang kanyang inabot. Sa tuwing siya ay hinahagupit ay katulad siya ng isang oud kapag ang uod ay iyong kakantiin. Yung paliwanag nyo ng pagiging uod para kay ginoong manalo ay opinyon nyo lang at malayo sa katotohanan. Pagaralan nyo ang Awit 22 at baka yung sinabi ko ay isipin nyo na sarili ko lang din na opinyon.

    Ito ang inyo ring sagutin, saan po ba mababasa na ai Cristo ay hindi Dios. Sapat na bang batayan ang pahayag ng Panginoon nung ipakilala niya ang tunay na Dios?
    E paano naman nung ipakilala niya na WALANG MABUTI KUNDI ANG DIOS LAMANG, di lalabas kung ang gagamitin klase ng pagpapaliwanag nyo, na si Jesus ay hindi mabuti.
    Baka naman sabihin nyo mali na naman ang salin o peke katulad ng sinabi nyo sa 1 John 5:7

    Tip ko po sa inyo, ang usaping espiritwal ay mauunawaan lamang sa paraang espiritwal din kaya hindi nyo kailangan by words ay makapagpaliwanag kayo. Hindi po ito literal o per letra.
    Pag nakakita kayo ng salitang BAGYO sa New Testament ano po kaya ang mensaheng nalapaloob dun. Bigyan ko kayo ng isang kwento, nung ang mga Apostol at ang Panginoon ay inabot ng bagyo sa dagat. Ano po kaya ang gustong ipakita ng Panginoon sa mga mananampalataya niya?
    Kaya kung humahanap kayo ng letra for letra ay pakisagot din po yung una kong tanong na may makikita o mababasa ba tayo na si Jesus ay hindi Dios.

    ReplyDelete
  3. Napakalungkot naman sa part nyo na ang kapatid at magulang ni Ka erdi ay siyang Judas sa inyong samahan. Hindi po kaya masyado lang kayong diboto sa inyong kinabibilangan kaya kahit sinong kumalaban dito ay sila ang mali? Napakalaking usapin yung itakwil mo ang iyong magulang. Pero sabi ng iba sa inyo pwede naman daw bumalik. Isinuka nyo na tapos inyo uling isusubo? Pasensiya na kayo sa mga saita ko ayaw kong sanang sabihin to kaso nga lang sa ginagawa nyo na halos ipagsigawan nyo na CRISTO HINDI KA DIOS!
    Tanong ko kaya nyo bang sabihin aa harap niya yan?
    Nakakairita ang ginagawa nyong pag pilipit sa mga talata ng Biblia kahit hindi naman kaabot usap sa topic ay inyong ginagamit.

    ReplyDelete
  4. ibat iba kasi ang pagkakatanim sa bawat kaanib sa INC! umanib ako dahil sa gusto ko maligtas at magkaroon ng eternal life at manirahan sa bayang banal! pero yung iba ay nakiki-isyu pa! para lang matiwalag! edi ba kakaiba!

    ReplyDelete
  5. dapat pag kaanib ka na sa INC ay nakikipag-kaisa ka sa IKATITIBAY ng INC at IKARARAMI pa ng mga MAGBABALIK sa Diyos! eh yung iba ay bumalik sa dating BUHAY PAGANO nila! kaya natiwalag rin!

    ReplyDelete
  6. eh may katiwalian kang nalaman!
    huwag mo i-chismis kundi iulat mo sa INC! eh involved raw ang Ministro, edi iulat mo sa Distrito! eh kamag-anak raw ng O1 yung Ministro na involved, edi iulat mo sa Central, eh may backer raw sa Central! takot ka baka maipit ka?
    eh paano malilinis ang INC kung walang mag-uulat sa masama?
    ang Duwag ay Hindi maliligtas!

    ReplyDelete
  7. sumunod sa tuntunin! bagamat may nabiktima ang masama at natiwalag ang biktima ay huwag ikatisod! magbalik-loob dahil sa LABAS ay hahatulan ng Diyos! at di ka maililigtas ng TISOD mo!

    ReplyDelete
  8. e hanggat nasa loob ka ng INC
    at nagpapakaBANAL ka ay ililig-
    tas ka ni Cristo pagbalik niya!

    ReplyDelete
  9. HUMILITY+OBEDIENCE+ MEANINGFUL EFFORTS
    = you're HOME brethren!

    ReplyDelete

Any accusation attacking an individual or an organization without adequate proofs and evidences, will be DELETED, be responsible in what you are saying at all times.

ATTENTION TO THOSE WHO LEAVE COMMENTS IN THIS BLOG:

I think it’s about time to avoid confusion to anyone, that I will no longer allow anybody commenting in this blog posting as ANONYMOUS, regardless of his Religion and Affiliations. Any comments under the name of ANONYMOUS will be DELETED.

Any comments attacking a PERSON [Ad Hominem], instead of defending his Faith with honor and respect will be DELETED. Never accuse a person or an organization that we have no proper proofs or evidences to support our accusations. Hearsays and fabricated stories with a motive of hurting and dishonoring somebody [either an individual or an organization] will no longer be allowed and be tolerated in this Blog.

If anyone feels that what I have imposed is not fair? There is nobody stopping you in making your own Blog and rules that you so desire. I have all the rights to impose any rules for the sake of orderliness of this Blog as it is written in the Scriptures: “Everything must be done in a proper and orderly way.” [1 Cor 14:40, GNB].

My BLOG, My RULES…

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

NET 25 - Iglesia Ni Cristo Network