MAY mga nagtatanong sa amin kung bakit daw kailangan pa namin
silang hikayatin na mag-Iglesia Ni Cristo samantalang sumasamba naman daw sila
sa Diyos. Ang sabi naman ng iba ay iisa
lang naman ang Diyos na sinasamba ng lahat ng relihiyon kaya pare-pareho na
ring tinatanggap ng Diyos. Totoo ba ang
paniniwalang ito?
SUMASAMBA KA BA SA TUNAY NA DIYOS?
Kung ikaw ay isang relihiyosong tao, malamang na sasagot ka ng
Oo bilang pagsang-ayon sa tanong ito sapagkat maaaring naniniwala ka na ang
sinasamba mo ay ang tunay na Diyos. Subalit kung ang sinasamba mong Diyos ay
isang Diyos na binubuo ng tatlong persona na ang tawag sa ganitong Diyos ay
Trinidad, paano mo natiyak na ito nga ay tunay na Diyos?
Kung ang Diyos na kinikilala mo ay iba sa Trinidad dahil naniniwala ka na ang Ama, ang Anak at ang Espiritu
Santo ay kahayagan ng iisang tunay na Diyos gaya ng paniniwala ng mga
nagpapakilang “Oneness Pentecostals,”
paano mo natiyak na tunay na Diyos ang sinasamba mo?
Kung ikaw naman ay isang “polytheist”
at sumasamba ka sa maraming mga dios, gaya ng paniniwala ng mga tao noon sa
Egypt, Mesopotamia, Greece, Rome, at sa marami pang dako, paano mo natiyak na
ang sinasamba mo ay ang tunay na Diyos?
Kailangang tiyakin natin na tunay na Diyos ang ating sinasamba
dahil sa masasayang lang ang ginagawa nating pagsamba kung hindi naman pala
tunay na Diyos ang ating sinasamba.
Kabilang ka rin ba sa mga naniniwalang katutubong sagutin nating
mga tao ang maglingkod sa Diyos? Kung ganoon, sino ang Diyos na dapat nating
sambahin? Sangguniin natin ang Banal na Kasulatan ukol dito.
ANG IISANG TUNAY NA DIYOS
Sa Deuteronomio 6:4, ay sinabi ni Mosies
sa mga Israelita na:
“Dinggin mo, O Israel: Ang PANGINOON nating Dios ay
iisang PANGINOON!” (NPV).
Mula pa sa panahon ni Moises, ang mga Israelita ay nanindigan sa
paniniwalang iisa lang ang tunay na Diyos. Dahil dito, sila mismo ang tumanggi
na sumamba sa mga larawan dahil ibinilin sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ni
Moses na huwag silang sumamba sa mga diyus-diyosan (Exodus 20:3-5). Ang totoo, ang
Diyos mismo ang may nais na Siya lamang ang kilalanin nilang tunay na Diyos
ayon sa Deuteronomo
4:35:
“Nais ng Panginoon na kilalanin ninyo siya na iisang
tunay na Diyos, at nais Niyang sundin ninyo siya” (CEV).
Ang tunay na Diyos mismo ang nagpahayag sa mga Israelita na
walang ibang Diyos maliban sa Kaniya sa pamamagitan ng propetang si Isaias. Ang
sabi Niya ay:
“Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una:
sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin; ako’y Dios, at walang gaya
ko;” (Isaias
46:9).
“Ako ang Panginoon, at walang iba; liban sa akin ay
walang Dios . . . Upang kanilang maalaman mula sa sikatan ng araw, at mula sa
kalunuran, na walang iba liban sa akin: ako ang Panginoon, at walang iba” (Isaias 45:5-6)
Kapag ang Diyos ang nagsasalita, nag-iisa lamang Siya. Hindi
Siya nagsasalita bilang isang Diyos na tatluhan. Ang mga sumasamba sa isang
Diyos na may tatlong persona o Trinidad ay hindi sumasamba sa tunay na Diyos.
ANG TUNAY NA DIYOS AY NASA LAHAT NG DAKO
Nais ng Diyos na Siya ay Diyos ng lahat ng tao. Hindi rin Siya
Diyos na nasa isang dako lamang kungdi sa lahat ng dako gaya nang sinabi ni
Moises:
“Talastasin mo nga sa araw na ito at isapuso mo, na
ang Panginoon ay siyang Dios sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang
iba pa” (Deuteronomio 4:39).
Ipinahayag din ni Propeta Jeremias na ang tunay na Diyos ay
hindi lamang iisa kungdi Siya ay magpakailanman. Ito ang Kaniyang pahayag mula
sa Jeremias 10:10:
“Nguni't ang Panginoon ay tunay na Dios; siya ang
buhay na Dios, at walang hanggang Hari!”
Maging sa pagtatapos ng Lumang Tipan, ang propetang si Malaquias
ay nagpahayag na iisa lamang ang tunay na Diyos at Siya ang Ama:
“Hindi ba iisa ang ating Ama at ito'y ang iisang Diyos
na lumalang sa atin?” (Malaquias 2:10 MB).
Ganito rin ang itinuro ni Propeta Isaias nang kaniyang
ipinahayag ang katangian ng tunay na Diyos:
“Nguni't ngayon, Oh Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami
ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa
ng iyong kamay.” (Isaias 64:8).
Kaya ang mga Israelita ay kumikilala na ang Ama ang iisang tunay
na Diyos. Walang banggit sa Matandang Tipan ukol sa tatluhang Diyos – Ama, Anak
at Espiritu Santo. Isang malaking kabulaanan ang sinasabi ng ibang mga
tagapangaral na ang mga Israelita noon ay naniwala na may ibang Diyos maliban
sa Ama.
ANG TUNAY NA DIYOS SA PANAHONG CRISTIANO
May ilang mga teologo na nagsasabing sa panahong Cristiano ay
hindi lamang daw ang Ama ang tunay na Diyos kungdi pati na raw ang Anak at ang
Espiritu Santo. Nang dumating daw si Jesus ay itinuro niya na may tatlong
persona sa iisang Diyos ayon kay Wayne Grudem sa
kaniyang aklat na Systematic Theology, pahina 230:
“When the New Testament
opens, we enter into the history of the coming of the Son of God on earth. It
is to be expected that this great event would be accompanied by more explicit
teaching about the trinitarian nature of God, and that is in fact what we
find.”
Kung totoo ang pahayag na ito na nang dumating si Cristo ay may
maliwanag na pagtuturo siya ukol sa Trinidad, dapat ay may talata sa Biblia na
nagpapatunay nito. Subalit ang may-akda ay nagtapat at inamin niya sa
pagsisimula ng kaniyang pagtalakay ukol sa Trinidad na ang sabi niya ay:
“The word trinity is never
found in the Bible” (p. 226, Ibid.)
Sa halip, ano ang nakikita natin sa Bagong Tipan? Mga aral na
kasang-ayon ng nabasa natin sa Matandang Tipan na ang Ama lamang ang iisang
tunay na Diyos. Sino ang nagturo na ang Ama lamang ang iisang tunay na Diyos?
Tunghayan natin ang Juan 17:1, 3 na
ganito ang nakasaad:
“Pagkasabi ni Jesus ng mga pananalitang ito, siya'y
tumingala sa langit at ang wika, "Ama, dumating na ang oras: parangalan mo
ang iyong Anak upang maparangalan ka naman niya . . . Ito ang buhay na walang
hanggan: ang kilalanin ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo
na iyong sinugo” (MB).
Ang tunay na aral ukol sa Diyos ay itinuro mismo ng ating
Panginoong JesuCristo nang siya ay nanalangin sa Ama. Ang sabi niya ay “kilalanin ka
nila, ang iisa at tunay na Diyos.” Hindi niya sinabing “ang kilalanin ka, saka ako, tayong tatlo ng Espiritu
Santo, tayo ang iisang tunay na Diyos.” Si Cristo ay hindi
Trinitarian!
Kaya ang nagtuturong hindi lamang ang Ama kungdi maging si
Cristo at ang Espiritu Santo ang iisang tunay na Diyos ay kalaban o kasalungat
nang itinuro ni Cristo. Kalaban din sila ni Apostol Pablo na, nang magturo sa
mga Cristiano ay ganito ang kaniyang isinulat sa kanila:
“Sa ganang atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na
lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya.” (1 Corinto 8:6
MB).
Kaya, ang mga tunay na Cristiano, na natuto sa itinuro ng ating
Panginoong JesuCristo, ay sumasampalataya na ang Ama lamang na nasa langit ang
iisang tunay na Diyos. Hindi tunay na Cristiano ang mga taong ang Diyos na
kinikilala at sinasamba ay hindi ang tunay na Diyos.
Ayon din sa Biblia, may mga tao na bagamat kumikilala sa Diyos
ay kinilala at sinamba ang mga larawan. Ang pahayag ni Apostol Pablo ay
maliwanag:
“Sapagka't ang poot ng Dios ay nahahayag mula sa
langit laban sa lahat na kasamaan at kalikuan ng mga tao, na mga sinasawata ang
katotohanan ng kalikuan; . . . Sapagka't kahit kilala nila ang Dios, siya'y
hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang
kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay
pinapagdilim. Ang mga nangagmamarunong ay naging mga mangmang, At pinalitan
nila ang kaluwalhatian ng Dios na hindi nasisira, ng isang katulad ng larawan
ng tao na nasisira, at ng mga ibon, at ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga
nagsisigapang. Sapagka't pinalitan nila ang katotohanan ng Dios ng
kasinungalingan, at sila'y nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa
Lumalang, na siyang pinupuri magpakailan man. Siya nawa” (Roma 1:18,
21-23, 25).
Kaya ang mga taong sumasamba sa larawan ay hindi rin nakikilala
ang tunay na Diyos. Ang isa sa dahilan kaya naparito ang ating Panginoong
JesuCristo ay para ipakilala sa atin kung sino ang tunay na Diyos ayon kay
Apostol Juan:
“At nalalaman nating naparito ang Anak ng Diyos at
binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at
tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na
Diyos at buhay na walang hanggan” (1 Juan 5:20 MB).
Gaya nang tinalakay sa unahan, nang narito pa sa lupa ang ating
Panginoong Jesucristo ay itinuro niya na ang Ama na nasa langit ang kaisa-isang
tunay na Diyos (Juan 17:3 SNB).
KANINO IBINIGAY ANG TUNGKULING IPAKILALA ANG TUNAY NA DIYOS?
Ganito ang panalangin ng ating Panginoong JesuCristo sa Juan 17:25-26:
“Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan,
ngunit nakikilala kita; at nalalaman ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang
nagsugo sa akin. Ipinakilala kita sa kanila, at ipakikilala pa, upang ang
pag-ibig mo sa akin ay sumapuso nila at ako nama'y sumakanila." (MB).
Maliwanag ang sinabi ni Cristo nang siya ay nananalangin sa Ama.
Ang sabi niya ay “hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at
nalalaman ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala
kita sa kanila, at ipakikilala pa." Samakatuwid, ang mga taong ibinigay ng
Diyos kay Cristo ang nakakilala kung sino ang tunay na Diyos sapagkat si Cristo
mismo ang nagpakilala sa kanila. Sino ang tunay na Diyos na ipinakilala niya?
Walang iba kungdi ang Ama na nasa langit.
Sino naman ang mga taong ibinigay ng Diyos kay Cristo? Sila ang
mga tao na tinawag ng Diyos ayon kay Apostol Pablo sa kaniyang sulat sa 1 Corinto 1:9 MB:
“Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo'y
makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristong ating Panginoon.”
Saan naman naroroon ang mga taong tinawag ng Diyos upang
makipag-isa sa Kaniyang Anak? Ganito rin ang pahayag ni Apostol Pablo sa
Colosas 3:15:
“At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang
kaloob ni Cristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging
bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi” (MB).
Ang mga tinawag ng Diyos upang makipag-isa kay Cristo ay naging
bahagi ng isang katawan. Alin ang katawang tinutukoy? Ganito pa rin ang pahayag
ni Apostol Pablo:
Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan . . . (Colosas 1:18 MB).
Ang pangalan ng Iglesia na katawan ni Cristo ay tinawag ni
Apostol Pablo na Iglesia Ni Cristo batay sa Roma 16:16, sa saling Magandang Balita ay
ganito ang nakasulat:
“Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.
Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.”
Samakatuwid, ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang mga taong
nakilala kung sino ang tunay na Diyos. Ano naman ang tawag ni Cristo sa mga
taong hindi nakilala kung sino ang tunay na Diyos? Ayon sa Juan 17:25, ang banggit niya ay “sanglibutan.” Kaya, ang Iglesia Ni Cristo ang siyang may tungkulin na
ipakilala sa mga taga sanglibutan kung sino ang tunay na Diyos.
BAKIT ANG IGLESIA NI CRISTO ANG MAY TUNGKULING IPAKILALA ANG
TUNAY NA DIYOS SA SANGLIBUTAN?
Ganito ang pahayag ng Diyos sa pagkakasulat ng propetang si
Isaias:
“Ang sabi ng Panginoon, Kayo'y aking mga saksi at
lingkod na aking pinili. Pinili ko kayo upang inyong malaman at
magsisampalataya kayo sa akin, at inyong matalastas na ako nga ang tunay na
Diyos; walang Diyos na nauna sa akin, at wala ring Diyos pagkatapos ko” (Isaias 43:10
NCV).
Ayon sa pahayag mismo ng Diyos ay may pinili Siyang mga tao na
magiging saksi Niya. Ano ang kanilang sasaksihan? Na walang ibang tunay na
Diyos kungdi Siya lamang. Sino ang mga taong ito na siyang magiging saksi ng
Diyos at magpapakilala sa sanglibutan kung sino ang tunay na Diyos? Ang binasa
nating talata ay talatang 10, itataas lang natin ang pagbasa sa talatang 5:
“From the far east will I bring your offspring, and
from the far west I will gather you.” (James Moffatt, A New Translation of the Bible
Containing the Old and New Testaments, New York: Harper Brothers Publishers, ©
1954.)
Ang talatang binanggit sa unahan nito ay ang hula ukol sa
paglitaw ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas, na sa dakong ito ng Malayong
Silangan ay may lilitaw na mga lingkod ng Diyos na ang tungkulin ay ipakilala
kung sino ang tunay na Diyos. Kaya, ang Iglesia Ni Cristo ang siyang
nagpapakilala ngayon sa buong mundo na iisa lamang ang tunay na Diyos na dapat
kilalanin at sambahin.
Kaya, sa mga kaibigan naming hindi pa Iglesia Ni Cristo, kung
nais nating tanggapin ng Diyos ang ating pagsamba, dito natin isagawa ang tunay
na paglilingkod sa Diyos sa loob ng Iglesia Ni Cristo. Ang pagkilala natin sa
tunay na Diyos at pagsamba sa Kaniya ang ikapagtatamo natin ng buhay na walang
hanggan (Juan
17:3).
Dahil dito, malugod namin kayong inaaanyayahan na daluhan ang
isasagawa naming International
Evangelical Mission sa darating na ika-26 ng buwang kasalukuyan, na ang gawaing ito ay pangungunahan ng
Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo, ang Kapatid na Eduardo V.
Manalo. Makipag-ugnayan kayo sa mga kaibigan o mga kakilala ninyong Iglesia
Ni Cristo sa inyong dako upang sila ang magdalo sa inyo sa dako na doon ninyo
mapapakinggan ang pagtuturo ng mga dalisay na salita ng Diyos.
SOURCE: https://www.facebook.com/jventilacion/posts/10206943986254835